ito ang mga panahon na hindi ako makahinga.
para sa akin... iniipit ako ng mga pader sa aking paligid.
gusto kong humingi ng saklolo...
ngunit walang boses na lumalabas sa aking lalamunan.
tanging pagiyak na lamang ang aking nagagawa.
masikip na masyado ang mundong aking ginagalawan.
kada kibot ay may di ako sinasadyang nababangga.
kahit nag-iingat sa paggalaw, patuloy pa rin akong nakakabasag ng kung ano.
masikip na nga masyado ang aking mundo.
puro kalat at basura na ang nakapaligid.
mga kalat at basura na matagal ko na dapat itinapon at ibinaon sa limot.
wala nga lang akong panahon mag-ayos... kulang pa kasi sa akin ang 24 oras.
isang nagsusumigaw na katahimikan ang bumabalot ngayon sa aking sarili.
mga sigaw na nagpupumiglas na lumabas at magpakita ng tunay na anyo.
pero hindi pa sya nararapat magpakita...
hindi pa ngayon... hindi pa nya panahon.
parang walang patutunguhan ang aking mga hakbang.
sa aking palagay, hindi ako natututo.
tumigil na ang aking tenga sa pakikinig...
di na naiinitindihan ng aking utak ang mga sermon at pagalit.
sa iba ang mga ito ay anyo ng paalala...
ngunit sa pakiwari ko ay nakakabaliw ang mga "ito"...
masyado ng lumalabo ang aking paningin
malapit na rin akong tuluyang mawalan ng pakiramdam.
konting panahon na lang at mauubusan na ako ng hininga...
minsan sinusubukan kong banggain ang pader...
pero mas madalas sa hindi, hinahayaan ko na lang na maipit.